Nakasulat sa likod ng aking upuan: PUSH TO EJECT CLASSMATE
July 24, 2009 
Kapag mababasa mo ang kanyang chart, 2 buwan palang, pinanganak sa bahay nila sa Olanggapo, at kapag hahanapin mo ang ina, kasamang nakaconfine sa parehong ward, nasa dulo, parang ikinahihiya ang kondisyon. Isang tingin palang sa kanya, masasabi mo na, “Pucha, alam ko na ang istorya nito!” Hindi mo na kailangang puntahan pa ang supervisor o chief nurse, diretso kana sa iba pang kamag-anak para sabihing, hindi maganda ng kalagayan ng pasyente…tama pasyente…pasyente ang kailangan mong gamiting salita, kahit masarap bigkasin ang pangalan niya. Kailangan mong ihiwalay ang sarili sa kahit ano mang koneksyon, dahil alam mong maari na sa isang linggat ang dibdib ng nag-aagaw buhay ay pagod nang nahimlay sa kamang nagsilbi na ring himlayan ng ilang libong pasyente.
At pag-uwi mo sa bahay, pagtawid mo mismo sa malawak na kalsada, muntik ka nang mahagip ng rumaragasang trak. Minura ka pa ng driver, na akala mong bababa para duruin ka pa o marahil bugbugin. Diretso ka lang sa paglalakad, supladang hindi lumingon sa likod. Ang bawat hakbang nagbabadyang paglayo sa nais mong balikan. Naisip mong isa ka lang nursing student, walang alam kundi mag-BP ng mga pasyenteng hindi naman naniniwala sa resulta ng iyong BP. Napag-isipan mong muntik ka na rin pa lang sumabit. Na-imagine mo ang sariling nadudurog sa ilalim ng gulong ng trak. Ang puti mong damit ay nangungutim hindi dahil sa alikabok sa daan kundi sa pinturang umaagos sa iyong katawan. Naimagine mo ang reaction ng mundo–patuloy pa rin itong iikot, kahit na hindi mo na makikita ang susunod nitong direksyon. Hangang sa huling sandali naisip mo ito.
Pag-uwi mo sa iyong bahay, ramdam mo na ang hapding dumudukal sa iyong mata. Ramdam mo ang bigat sa iyong dibdib, at hayan lumuha ka na…
Pa’no ba magpatawa?
July 5, 2009
Sa tula…
Kung ako’y mabubuhay sa teksto, paniguradong mula unang titik hangang sa pinakahuling bantas kahit bahagya’y walang mababasang nakakikiliti. Noong ako’y nasa elementarya, tinanong ako ng aking guro sa HELE kung marunong daw ba akong ngumiti o tumawa. Gayon din ang naging puna ng isa pang guro ko no’ng highschool at karamihan ng aking mga kaibigan ay madalas itong gawing biro.
Napagtatawanan ako…dahil hindi ako marunong tumawa?
Noon pa man, tuwing manonood ako ng TV, magbabasa ng libro sa klase o kahit makikipagusap sa mga kaibigan, kapag katatawanan na ang hihimukin lagi itong naiiba sa bawat indibidwal. Si Bob Ong, Tito Vic and Joey tandem, o ang ‘yong dakilang matandang guro na natatanging taong nakatatawa para sa ‘yo–sino ba talaga tamang basehan ng komedya? Marahil, ang mas angkop na tanong ay kung ano ang batayan para masabing ang isang tula ay nakatatawa (maliban na lang sa mga ilohikal o mala-balintuna nitong approach o mga mali-maling istraktura)?
Dahil sa malubhang problemang ito, naisip kong gumawa ng research gamit lang kung anong resources mayro’n ako ngayon: and dakilang kompyuter! Itinayp ko ang mga keword na “Nakakatawang Tula” sa google bar, dahil ang yahoo ay tila kuripot sa mga site (marahil dahil na rin sa security site filter para ma-block ang mga cache o cookies na naglalaman ng virus)
Mga resulta:
1. Mga kwentong tambay ng sira-ulo sa Timog Kaliornya [www.nicanordavid.com/…/d_frog.html]
::: ni Batj alias Elvis ng Quiapo; ito ay mga napost mahigit ilang taon na ang nakararaan. Bumungad sa akin ang mga maiikli at kakatwang tula tulad ng D’Frog at Ihi ng Butiki.
2. “Tula ni Juan”
::: likha ng isang blogger galing Illigan. Ang mga tula niya ay medyo nangungulang ng talinghaga at medyo tungkol sa paglilimi na misa’y maaring naisip lang gawin tuwing ang tao ay malungkot o may malalim na iniisip, at wala sa mga ito ang nakapagpatawa sa akin.
3. Ang Pinakamalas na tao sa buong mundo
::: pinangunahan ito ng tulang may Oxymoronic na pamagat na linyang “Kalbong Kulot” at sinundan ng iba pang walang sense na linya na marahil kapag binasa ko sa Palihan ng LIRA ay wala na akong mukhang maihaharap pa sa kanila…
*Ang pagpapatawa ba ay kailangang gumagagamit ng wikang dumadampi sa mga sensitibong bagay tulad ng sex o mga nakadidiring sakit o mga asong ulol na naglalaway sa kanyang sariling suka? Ang paggamit sa mga politiko at mga palpak na tauhan sa lipunan ay mas epektibong paraan para magpatawa? Ang komedya ba ay nalilimitahan ng mga lengwaheng kabaklaan o parang Bubble Gang with Angelina and Yaya? Ito ba ay pinaghaharian talaga ni Dolphy Quizon at ni Gloria Romero o kaya nila Pokwang at John Lapuz?
Ano ba talaga ang tunay na nakapagpapatawa sa tao?



